Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid (SNPP) Who is SNPP? Position Statement on International Women’s Month Celebration

Position Statement on International Women’s Month Celebration

Sa gitna ng selebrasyon ng International Women’s Month, tumitindig ang Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid, Inc. (SNPP) na binubuo ng malakas at nagkakaisang mayorya ng kababaihan, na magsilbing boses ng katotohanan, malasakit, at katarungan. Bitbit natin ang mga hinaing at kolektibong lakas sa panahong ang dangal at sikmura ay kapwa sinusubok ng mga kaganapan sa loob at labas ng bansa.

Kasabay ng aming pagpupugay sa galing ng kababaihan ay ang aming taimtim na dalangin para sa ating mga kababayang OFW na kasalukuyang naipit sa mga bansang may nagaganap na digmaan. Hindi matatawaran ang sakripisyo ng ating mga bagong bayani na nagtitiis sa gitna ng putok ng baril at banta ng kamatayan para lamang itaguyod ang kanilang mga pamilya. Nakikiisa tayo sa kanilang takot at pananabik na makauwi nang ligtas. Nanawagan tayo sa pamahalaan na paigtingin ang mabilis na repatriasyon at tiyaking walang Pilipinang maiiwan sa panganib.

Hindi rin natin maipagkakaila ang bigat na dala ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na pinalalala ng krisis sa langis dulot ng pandaigdigang tensyon. Tayong mga kababaihan, na madalas ay siyang Finance MONEYger ng ating mga tahanan, ang unang nakararamdam ng hapdi ng bawat sentimong idinadagdag sa pambili ng bigas, ulam, at pamasahe. Ang krisis na ito ay hindi lamang isyu ng ekonomiya, ito rin ay isyu ng karapatang mabuhay nang may dignidad.

Higit sa lahat, mariin po namin kinokondena ang hindi katanggap-tanggap na asal at kabastusan ni Cong. Bong Suntay. Bilang isang organisasyong pinamumunuan at binubuo ng kababaihan, hindi natin hahayaang dumaan na lamang ang ganitong uri ng kabastusan sa ating dangal. Ang pagiging Public Servant ay nangangailangan ng mataas na moralidad at respeto. Kaya hindi nababagay na manatili ang ganitong klase ng Mambabatas sa kanyang pwesto.

Hindi sapat ang humingi ng paumanhin. Kami ay nananawagan na bigyan siya ng karampatang sanction o parusa sa ilalim ng ating mga batas at sa komite ng etika. Ang kabastusan ay walang lugar sa ating lipunan, lalo na mula sa isang taong dapat ay gumagawa ng batas para protektahan tayo. Kapag binastos ang isa sa atin, binastos ang ating buong pagkatao bilang mga kababaihan.

Sa anuman panahon hindi lang sa buwan ito, ipakita natin na ang kababaihan ay hindi lamang palamuti. Tayo ay mga tagapagtanggol. Tayo ay mga lider na handang magsakripisyo, ngunit hindi handang magpa-api. Patuloy tayong magbantay, magboses, magkaisa, at manindigan para sa isang lipunang may sapat na pagkain, ligtas na trabaho, at tunay na respeto sa bawat babae.

Mabuhay ang Kababaihang Pilipino! Mabuhay ang SNPP!

Annabelle D. Luna, SNPP President

Related Post